GOOD NEWS! Bakuna kontra Covid-19 dumating na sa Lungsod ng Bacoor
BACOOR CITY—114 vials na may single dose ng bakuna kontra Covid19 na Sinovac dumating na sa Lungsod ng Bacoor ngayong araw. Ito ay nagmula sa alokasyon ng National Government para sa mga public health care workers na nagtatrabaho sa public hospitals.
Bukas, March 10, araw ng Miyerkules ay mababakunahan na ang may 114 health care workers sa Southern Tagalog Regional Hospital. Ito ay paunang batch pa lamang ng mga mababakunahan. Sa Huwebes ay may parating pang additional vials na siya namang ipangbabakuna sa Biyernes, March 12.
“Nagpapasalamat kami sa National Government dahil sa kabila ng kakapusan sa supply ng bakuna para sa buong bansa ay isa ang Lungsod ng Bacoor sa mga unang nabigyan ng bakunang Sinovac. Mauumpisahan na din namin sa aming Lungsod katuwang ang Southern Tagalog Regional Hospital na mabakunahan ang ating mga health care workers.” pahayag ni Mayor Lani Mercado-Revilla.
“Malaking tulong ito sa amin para mas mapalakas namin ang aming kampanyang LIGTAS BACOOR! Bacoor Yes sa Bakuna na kung saan ay maipaliwanag ang kahalagahan ng bakuna at mahikayat ang mga Bacooreño na magpabakuna. Bukas ay mapapatunayan ng ating mga health care workers mula sa STRH na ligtas ang pagbabakuna.” dagdag ni Mayor Revilla.
Kasalukuyang nakaimbak ngayon sa cold storage ng City Health Office ang mga bakuna at bukas ay dadalhin na ito sa STRH para sa mga babakunahang health care workers.